Monday, August 5, 2019

Nanlibre si Jimmy



Nilapag ko ang madugong kutsilyo sa lababo. Noon ko lamang naramdaman ang hapdi sa aking siko buhat ng malaking sugat na kinagatan ni Ana. Pinigilan kong hindi bumulyaw habang inaangat ang aking kamay. Tumingin ulit ako sa mukha ng dalagang aking pinaslang na nakahiga sa sahig ng kanilang kusina. Napakakinis ng kanyang mukha. Nakamulat pa rin ang kanyang malaking mata, ngunit walang mababakas na ilaw mula rito. Nakabukas ang kanyang bibig at may kaunting dugong tumutulo mula sa kanyang bunganga. Matagal pa akong tumitig sa aking pinatay bago ko mapag-isipang tumakas.
Sinubukan kong ihakbang ang aking kanang paa. Nakaramdam ako ng kaunting pananakit sa tuhod dahil kanina ay tumama ito sa mesa habang inaagaw ko kay Ana ang kutsilyong hawak niya. Hinakbang ko naman nang walang hirap ang aking kaliwang paa. Paika-ika akong lumakad palabas ng kusina.
Pagdating sa salas, tinignan ko ang aking sarili sa salaming nakakabit sa gilid ng hagdanan patungo sa ikalawang palapag ng bahay. Hindi maganda ang aking lagay. Puno ng dugo ang aking katawan, bakas sa aking T-shirt na kulay grey. Mula ang dugo sa saksak sa akin sa kaliwang tagiliran. Di naman kita ang dugo mula sa pantalon kong kulay itim. Para makita naman ang pinsala sa aking mukha, tinanggal ko ang maskarang bumabalot sa aking identidad.
Malubha ang lagay ng aking ilong dahil nasiko ito ni Ana kanina; namumula, at may umaagos na ilog ng dugo mula rito. Nang tinaas ko ang aking ilong upang makita nang maayos sa salamin ang sira, naramdaman kong sumakit ang dalawang itaas na ngiping nasa harapan. Gumalaw ito nang bahagya nang tinulak ko paloob. Napamura na lang ako sa aking sinapit. Tinignan kong maigi ang aking mukha at nag-isip ng dahilan sa aking asawa kung bakit ganito ang aking sinapit. Nakaaninag ako ng galaw sa likod ng salamin. Tumalikod ako at nakita ko ang isang batang babaeng edad anim o pito na nakatayo at nakabukas ang bibig, hindi mawari kung ano kanyang nakikita.
Nagtitigan kami nang matagal. Sinuot ko muli sa aking mukha ang aking maskara. Lumabas ako nang mabagal mula sa bahay. Pagsara ko ng pinto, nakita ko ulit ang bata, di gumalaw mula sa kanyang pwesto, nakabukas pa rin ang bunganga at walang maibugang salita mula sa kanyang bibig.
Sa labas ng bahay, naglakad ako nang paika-ika sa kahabaan ng madilim na eskinita. Sa dulo ng eskinita, nakita ko si Jimmy mula sa kotse na kumakaway na magmadali ako. Binilisan ko ang aking paglalakad, kahit na ang kapalit nito ay mas masakit na katawan. Paglapit ko sa kotse, binuksan ng Jimmy ang pintuan sa tabi ng driver.
“Bat ang tagal mo?” una niyang tanong.
“Lumaban si Ana eh,” sagot ko. “May towel ka ba diyan, malulunod na ako sa sarili kong dugo.”
“Eto,” tumayo siya nang bahagya para kunin ang kanyang bag sa likod ng kotse. Dinukot niya ang isang dilaw na panyo mula sa kanyang bag at inabot sa akin.
“Panyo? Wala ka bang towel?”
“Wala na eh.”
“Sige na nga pwede na ito” sinimulan kong punasan ang aking mukha.
“Bakit ka nga natagalan? May kasama ba siya doon?”
“Wala naman. Nadulas lang ako sa kusina kaya siya ang unang nakaatake sa akin. Sinaksak niya ako.” Pinakita ko ang malaking hiwa sa aking tagiliran.
“Ano ba naming klaseng katangahan yan?” at bigla siyang humalakhak. Napatawa rin ako pero tinigilan ko rin dahil sumasakit ang aking sugat sa bawat tawa.
“Okay lang ba sa’yo? Punong puno na ng dugo itong panyo mo.”
“Sige okay lang. Sa’yo na yan.”
Pinagpatuloy ko ulit ang pagpunas sa aking mukha. May narinig kami sa aming likuran at parehas kaming tumalikod.
“May paparating. Kailangan na nating umalis,” sabi ni Jimmy. At umalis na kami mula sa lugar na iyun. Sa pag-andar ng kotse, bigla akong bumulyaw nang sumakit ang aking tagiliran.
“Pwede ba tayong kumuha ng pansara sa sugat na’to? Meron atang malapit na Mercury dito.”
“Meron ba? Parang wala akong nadaanan.”
“May nakita akong isa malapit dun sa gasolinahan kanina.”
“Pero di tayo dadaan doon. Kailangan nating sabihin kay Donya na napatay na natin ang target.”
“Pero sobrang sakit na talaga nitong tagiliran ko,” dinampiaan ko ang aking sugat at sumigaw ako nang malakas sa sakit; sigaw na kay lakas, kayang marinig ng buong barangay.
“Oo na sige! Pupunta na tayo sa Mercury. Tae naman kasi, hindi nag-iingat.”
Napangiti ako nang bahagya. PInigilan kong tumawa upang di humapdi ang sugat.
“Paano mo ngayon sasabihin yan kay Rhea? Di ka na ata niya makikilala sa itsura mo ngayon,” sabi ni Jimmy habang lumiliko papunta sa malaking highway.
“Sabi ko naman na isang linggo akong mawawala dahil may kontrata ako sa Cabanatuan. Sana gumaling itong sugat ko matapos nun, kasi yari na naman ako niyan.”
“Paano pag di gumaling? Ano na namang sasabihin mong rason?”
“Eh ganoon pa rin.”
“Na nakipag-away ka na naman sa inuman? Baka magalit na sa akin yang misis mo. Baka sabihin “Takaw gulo naman itong si Jimmy wag ka nang sumama diyan,”” sinubukang niyang impisan ang boses para gayahin ang boses ng aking asawa. Napatawa ako at sumigaw sa sakit sa aking kaliwang tagiliran.
“Tae naman wag ka nang magpatawa. Sumasakit sugat ko sa pagtawa eh,” pakiusap ko.
“Lumalaki ata yung sugat pag tumawa ka eh.”
“May iba ka pa bang bimpo? Ipang-tatapal ko lang rito sa tagiliran ko.”
“Wala na. Bakit di ka kasi nagdala? Di ba may malinis kang T-shirt na dala, yun na lang muna; i-ikot mo dyan sa beywang mo.”
“Puti dala kong damit eh. Mahirap tanggalin mantsa ng dugo doon. Sa susunod talaga magdadala ako ng maraming bimpo.”
“Dapat lang. Paubos na towel ko sa’yo.”
“O ayan na yung gasolinahan.” Nakarating na ulit kami sa gasolinahan na hinintuan namin upang kumarga ng krudo.
“Nasan mo nakita yung Mercury?”
“Doon oh,” tinuro ko ang isang branch ng Mercury Drug na nasa kaliwa ng isang malaking supermarket.
“Bukas pa ba yan?”
“Oo 24 hours yang bukas.”
Nagmaneho ulit si Jimmy papunta sa Mercury Drug.
“Sana may sinulid sila diyan at karayom pang-sugat,” sabi ni Jimmy habang lumiliko sa isang intersection.
“Meron yan. Dati diyan din tayo bumili ng sinulid at karayom, naaalala mo yun? Nung nasaksak ka sa may bandang hita.”
“Sa Antipolo yun. Mas malaki branch ng Mercury doon eh.”
“Meron yan. Lahat yan sila meron.”
Nag-park si Jimmy sa bandang kaliwa ng Mercury Drug. Nakalabas na siya at nakalakad ng ilang hakbang nang bumalik ulit siya.
“May gusto ka bang bilhin?”
“Sinulid nga at karayom. Dahil mamamatay na ako sa sakit dito oh.”
“Maliban doon. Gusto mo ba ng ice cream o chocolate?”
“Bakit ililibre mo ba ako?”
“Syempre hinde. Wala ka talagang ipapabili pa?”
“Ay muntik ko na makalimutan, betadine at agua oxenada pala; panlanggas.”
“Ayaw mo ng alcohol?”
“Gusto mo bang mamatay ako sa hapdi? Wag alcohol.”
“Sige na. Wag kang iidlip ah. Baka di ka na niyan magising”
At naiwan na ako sa kotse. Matapos ang ilang minuto, nasa bingit na ako ng pag-idlip nang bumalik si Jimmy.
“Sabi ko sayo wala silang sinulid dito eh” nilapag ni Jimmy ang nabili niya sa likuran ng kotse.
“Wala? Ano ngayon ang binili mo?”
“Bumili na lang ako ng isang box ng band-aid. Damihan na lang natin para matapalan ang buong sugat.”
“Wala man lang silang gasa?”
“Wala nga. Edi sana yun yung binili ko. Sige hugasan muna natin itong sugat mo. O ayan agua oxenada at betadine ang binili ko, tulad ng sabi mo.” Nilabas niya sa paperbag ang isang rolyo ng bulat at dalawang magkaibang bote: isang puti, isang luntian. Tinaas ko nang bahagya ang aking T-shirt para lumantad ang malalim na saksak. Sinumulan munang pahiran ng agua ni Jimmy ang sugat.
“Ayan sobrang bula ng agua. Sobrang dumi ng sugat mo.”
“Ganoon ba yun? Sabi dun sa nabasa ko sa dugo bumubula ang agua.”
“Sa dumi yun sabi ng nanay ko. O betadine naman.”
Pinahiran ni Jimmy ng betadine ang sugat. Matapos nito, binuksan na niya ang box ng band-aid.
“Ilan laman ng isang box na yan?” tanong ko.
“60 pieces daw.”
“Mas malaki yung sugat kesa dun sa band-aid.”
“Patayo na lang natin idikit yung mga band-aid tapos damihan natin para matakpan lahat.”
“Sige, wala naman tayong choice eh.”
At sinimulan na ni Jimmy ang pagtapal ng band-aid sa aking sugat. Habang ginagawa niya ito, kinwento niya ang nakita niya sa loob ng Mercury Drug. “Nasa balita ka na agad sa TV,” sabi niya.  
“May balita na agad? Mas mabilis ngayon ah.”
“Oo nga eh. May nakakita pala sa iyong bata dun sa bahay, anak ni Ana. Bat di mo nasabi sa akin?”
“Anak pala yun ni Ana. Akala ko dalaga pa siya.”
“Hindi pala eh. Nagulat rin ako. Di naman nakita nung bata yung mukha mo no?”
Sapat na ang katahimikan ko bilang sagot.
“Nakita niya ang mukha mo?!” sigaw ni Jimmy.
“Tinitignan ko kasi yung mukha ko sa salamin. Sobrang sakit kasi ng ilong ko eh.”
“Sobrang tanga ka talaga no?”
“Pero di naman siguro naaninag nung bata yung mukha ko. Sobrang duguan at wala sa ayos yung ilong ko.”
“Bahala ka dyan. Ikaw magpaliwanag kay Donya.”
“Sige sige ako na magpapaliwanag.”
“Baka habulin pa yang batang nakakita sa’yo. Dagdag trabaho na naman yan.”
“Di yan. Tsaka bata lang naman yun. Mabilis pang mawala memorya niyan.”
“Sigurado kang di nakita totoong mukha mo ah?”
“Oo, hindi nga. Sabi mo nga di ba? Di na ako makikilala ng asawa ko sa mukha kong ito.”
“O ayan tapos na.” Naka-anim siyang band-aid para matapalan ang buong sugat. Kinuha niya ulit ang plastik na pinagbilhan niya. Nilabas niya ang dalawang chocolate na Cornetto.
“Nice naman, nanlibre.”
“Medyo gutom na ako eh.”
“Bat ka bumili ng ice cream? Dapat tinapay binili mo.”
“Eh gusto kong kumain ng ice cream eh, pakialam mo ba? Ayaw mo ba?”
“Syempre gusto ko. Libre eh.”
Napatawa ako nang kaunti at napasigaw ulit ako sa sakit sa aking tagiliran. Inabot ni Jimmy ang isang Cornetto sa akin, at sabay naming kinain ang ice cream. Magandang katapusan ito sa isang nakakapagod na araw.  

No comments:

Post a Comment