Alas-tres na ng madaling araw, ngunit nakabukas pa
rin ang aking mga matang nakatitig sa kisame. Hindi ako makatulog, at hindi ko
rin gusto. Ang pagsara ng aking mga mata ay pagsulyap muli sa nasusunog naming
bahay sa hatinggabi. Ang pagtulog ay ang madamang muli ang hangin habang ako’y
tumatakbo mula sa mga putok ng baril. Ang pag-idlip ay pagbisitang muli sa
tubuhan. Ang katihimikan mula sa pagkagising na lamang ang nagbibigay sa akin
ng buhay.
Binasag ng tumutunog
na telepono ang kapayapaan ng gabi. Agad ko itong sinagot bago pa matapos ang
unang kuliling. “Anong meron?”
“Homicide,
Tsip” sabi ni George sa kabilang linya.
“Saan?”
“Sa Maisan
Street.”
“Sige, papunta na ako.” Bago ko ibaba ang telepono ay
agad kong sinabi, “Wag mong galawin
ang crime
scene ngayon.”
Ito na ang panglimang kaso ng pagpatay ngayong linggo;
pinakamataas para sa bayan ng Senteno. Kung ang apat na pagpatay ay
magkakakonekta, walang nakakaalam. Para sa akin na nandito sa trabahong ito ng
sampung taon, hindi na ito nakakapagtaka.
Ang panahon ng eleksyon ay panahon din kung kalian tumataas ang krimen.
Ibig sabihin din nito’y isa nang regular na gawain ang pagligo bago pa man
umakyat ang araw. Habang sinusuot ang aking uniporme, nakita ko ang bakas ng
dugo sa kaliwang kwelyo. Ngayon ko lang naalalang dapat ay lalabhan ko ito
kagabi. Tinitigan ko ang aking sarili sa salamin: dalawang itim na bilog ang
pumapaligid sa aking mga mata.
Mabilis ngunit
malinaw na alaala ang lumantad sa aking isipan. Naalala ko ang aking kakambal
at ang huling mga oras na siya’y aking nasilayan. Madilim nang gabing iyon
dahil walang buwan o bituing nagbibigay liwanag sa langit. Ang tanging liwanag
ay hatid ng nasusunog naming bahay sa aming likuran. Isang daluyong ng mga
putok ng baril ang dumagsa sa tubuhan, at tumatakbo kami sa bilis ng aming
makakaya. Nakaligtas ako nang mahulog ako sa bangin na aking hindi napansin. Hindi
naging swerte and aking kapatid. Tinignan kong maigi ang aking mukha mula sa
salamin at winari kung ganito rin ba ang kanyang itsura kung siya’y buhay pa. Bago
ako umalis ng bahay ay nilagay ko sa holster ang aking rebolber.
***
Ang Maisan Street ay nasa kabilang dako ng siyudad, malayo
mula sa aking bahay. Pinangalanan itong Maisan dahil sa dati itong plantasyon
ng mais ng mga Dela Cruz; ang namumunong pamilya sa Senteno. Ngayon, ang mga
sumasayaw na mais sa saliw ng malalakas na hangin ay napalitan ng mga matatayog
na mga gusaling hindi mapayuko ng kahit na malakas na bagyo. Ito na ang
tinatawag na Business District ng
Senteno: mga opisina ng mga multinational
companies na pagmamay-ari pa rin ng mga Dela Cruz.
Nang ako’y dumating sa pinangyarihan ng krimen,
nakita ko si George na inaayos ang kanyang salamin upang makita nang mabuti ang
kanyang mga tala sa mga kislap ng pula’t bughaw ng kanyang kotse. Ipinarada ko
ang aking kotse sa kanyang tabi. Nang makita niya ako’y binigay kaagad niya sa
akin ang kanyang malaking kwaderno.
“Sino daw ang nakakita ng bangkay?” una kong tanong
habang binabasa ang kanyang mga sinulat.
“Tsip, isa pong tanod na nagpapatrolya sa barangay na
ito,” tinuro niya ang isang litrato ng biktima. “Nadatnan namin siyang walang
pitaka. Maaari po kayang isa lang itong kaso ng panghoholdap?”
“Nasaan ang bangkay?”
“Nandoon Tsip,” kanyang tinuro ang isang poste ng
ilaw na may nakapalibot na dilaw na
police tapes. “Mayroon nang limang miyembro ng SOCO na nag-inspeksyon ng
katawan. At Tsip, di ko na po ginalaw ang crime
scene ngayon.”
“Mabuti, ayaw nating maulit muli ang aksidente dati,”
napangiti ako sa hiyang biglang bumalot sa kanyang mukha.
Si George ay isa sa mga bagong miyembro ng pulisya ng
Senteno. Ayon sa kustom, siya ay magiging katuwang ko sa loob ng isang buwan upang
malaman niya ang mga pangunahing responsibilidad sa pulisya. Sa unang kasong
kanyang hinawakan, may nagtimbre sa kanyang mayroong natagpuang bangkay sa
isang bakanteng lote. Agad siyang pumunta sa pinangyarihan ng krimen at nag-inspeksyon
mag-isa. At dahil sa madilim nang panahong iyon, natalisod siya sa mismong
bangkay, at nakontamina ang pinakaimportenteng ebidensya sa kaso: ang katawan
ng biktima. Sa kabutihang palad, sumuko ang pangunahing suspek at umaming guilty.
Sinuot namin ang aming gwantes upang inspeksyunin ang
katawan na nakahilata sa malamig na aspalto. Ang kanyang ulo ay halos hindi na
makitaan ng mukha: wala na itong mata, ilong, o bibig. Para na lamang itong bulaklak
ng dugo’t laman na namukadkad.
“Ang biktima ay may magarang suot, ngunit wala na
siyang gamit na dala-dala. Tulad po ng sabi ko, sa tingin ko ay isa itong kaso
ng holdap,” sabi ni George.
“Sa tingin ko hindi ito isang kaso ng pagnanakaw,”
sabi ko sa kanya.
“Bakit po Tsip?”
“Dahil ang ginamit na baril sa kanya ay isang shotgun. Nakita mo ang erya ng sugat?
Malaki. Kung ikaw ang holdaper, gagamit ka ba ng shotgun para mang-holdap?”
“Hindi po Tsip.”
“At bakit?”
“Dahil masyadong malaki ang shotgun pang-holdap.”
“Tama. Sa ganitong mga kaso, di sapat na magaling ka
lang magsiyasat; dapat alam mo din kung paano mag-isip ang mga gumagawa ng
krimen.”
“Salamat po Tsip. Pero tanong lang po, bakit kinuha
ng pumatay ang kanyang gamit?”
“Hindi lahat,” inangat ko ang baba ng bangkay upang
ilantad ang kanyang makintab na gintong kwintas na mayroong hugis-pusong palawit.
“Mukhang may nakasulat sa pendant” sabi ni George. Tinignan naming maigi ang palawit at
nakita ang ‘LDC’ na nakaukit dito.
“Gustong ipamukha ng pumatay na isa lamang itong kaso
ng holdap,” bigla akong napatawa. “Siyempre hindi naman tayo ganoon ka-bobo di
ba?” Napangiti si George.
Tumingin ako sa paligid. Wala pang bakas ng araw.
“Ano pong tinitignan niyo, Tsip?”
“Baka may CCTV na nakakuha ng pangyayari.”
“Ayun po Tsip!” May isang kamera 20 metro mula sa crime scene.
“Dalawang oras pa bago magbukas ang Communications Office. Nag-almusal ka na
ba?”
Pumunta kami sa isang café malapit sa Business
Dsitrict na bukas 24 oras. Habang kami’y abala sa kape’t pandesal,
nagsusulat pa rin si George sa kanyang kwaderno. Mabagal na gumagapang ang araw
paakyat ng langit, at ang kanyang mga sinag ay tumatagos sa mga bintana ng mga
gusali. Sa bintana ng café ay aking
nabanaag ang muling pagkabuhay ng natutulog na syudad habang ito’y niyayapos ng
araw. Ang city hall, na siyang
pinakamatayog sa lahat ng gusali sa syudad ang unang nakaramdam ng halik ng
bukangliwayway. Ito ay nakaistasyon sa gitna ng syudad, tila nakamasid maiigi
sa bawat tao sa ibaba. Unti-unting binabasag ng mga busina ng kotse ang
katahimikan ng mapayapang imahe. Naglabasan na ang mga tao mula sa kanilang
lungga, ang iba ay nagmamadali sa kanilang mga trabaho. Ang aking nakikita ay
isang maunlad na syudad na dahil sa isang pamilyang namuno ng 30 taon.
“Gusto mo pa ng kape?” ginulo ng weyter ang aking
isip.
“Ah, sige. Black,
walang asukal,” sabi ko. “Gusto mo pa ng kape, George?”
“Ay, di na po Tsip.”
Mabilis na nasulyapan ng weyter ang litrato ng
biktima na nasa mesa. Umalis siya mula sa aming mesa na may mukha ng pandidiri.
“Bakit mo naisip maging pulis?” tanong ko kay George
upang mawala ang katahimikan. Nakayuko pa din sa kanyang kwaderno, mabilis
siyang tumugon na parang batang sasagot sa tanong ng isang guro: “Dahil gusto
kong mawala ang krimen at maging mapayapa ang ating syudad.”
Nang marinig ko ito, naalala ko ang aking
optimistikong pag-iisip noong nasa edad pa ako ni George. Lahat ata ng mga
pulis ay ganito ang pangarap: maiwaksi ang krimen sa ating bayan.
“Kung iisipin, kaya nabuo ang sistemang panlipunan ay
dahil sa krimen. Maraming mamamayan ang nangangamba na wala silang
kapangyarihan upang iwaksi ang kasamaan. Kaya nila binuo ang gobyerno ay upang
maging panatag ang lahat, dahil mayroong mas makapangyarihan na kayang labanan
ang krimen para sa kanila. Matagal nang mayroong pamahalaan at kapulisan,
ngunit kailanman ay hindi nawala ang krimen. Alam mo ba kung bakit?”
Sa sinabi kong ito, inilabas ni George ang kanyang
mukha mula sa kanyang kwaderno. “Bakit po Tsip?”
Natawa ako ng konti sa kanyang tanong. “Hindi mo
makakahon ang sagot sa isang pangungusap. Maraming dahilan ang tao upang gawin
ang kanilang ginagawa. Maraming kaso ay dahil sa kahirapan. Ang iba ay dahil sa
gusto nilang maghiganti o sa bugso ng damdamin. Alam mo ba na may isa akong
kaso dati na pinatay niya ang isang tindera dahil sa walang load ang tindahan. Isipin mo yon? Dahil
lang sa cellphone load.”
Sabay kaming tumawa. “Iyon pala ay dahil sa
tinatawagan niya ang kanyang kinakasama na gustong makipaghiwalay sa kanya, at
naubusan siya ng load. Eh natapat na
walang load ang tindahan,” ako’y
napabuntong hininga.
“Pero may iba rin na ang tanging dahilan ay gusto
nilang gumawa ng masama. Mas nakakatakot ang mga ganitong tao, dahil hindi sila
mabilis mahuli. Ang tanging laban natin sa ilang kriminal ay ang kanilang
motibo. Nakita nating walang bag ang katawang itinapon, una nating naisip ay
nahopdap ito. Ngunit paano kung gusto lamang pumatay ng taong ito at wala na
siyang ibang dahilan?” Napatingin ako sa mukha ni George.
“May problema ba, Tsip?”
Sa isang iglap, ay nakita ko ang aking mukha.
“Tsip?”
“Wala ito. May naalala lang ako,” sabi ko.
Bumalik na ang weyter dala ang isang tasang kape.
“Ito na po ser, Black, walang asukal.”
***
Ang city hall ay
isang lakaran lamang mula sa Business
District. Nasa loob ng gusali ang Communications
Office, ang mata’t tenga ng aspaltong gubat. Kinokontrol nila ang lahat ng mga
surveillance camera sa buong bayan. Ang opisinang ito ay tinayo ng isang Dela
Cruz base sa kanyang pangunahing layunin na mabawasan ang krimen.
Nang kami’y napadpad sa Communications Office, isang taong abot tenga ang ngiti ang
sumalubong sa amin. “Ano pong maitutulong ko sa inyo?” bati niya.
“Gusto kong
makakuha ng kopya ng teyp sa Maisan Street,” sabi ko habang pinapakita ang
aking tsapa. “Para ito sa isang kaso.”
Nagtayp ang lalaki sa kanyang kompyuter. Ang kanyang
artipisiyal na ngiti ay naging ekspresyon ng pangamba. “Hmmm...”
“May problema ba?” tanong ni George.
“Mukhang namatay lahat ng CCTV sa buong syudad
kagabi.”
“ANO?!” di ko mapigilan ang sariling mapasigaw.
“Kailangan kong i-alerto si Mayor,” sabi ng receptionist
habang umaalis upang tawagan ang alkalde.
“Tsip, sa tingin mo konektado ito sa kaso natin?”
tanong ni George.
“Maaari, pero maaga pa para sabihin iyan. Bumalik na
tayo sa aking opisina. Wala tayong mapapala dito.”
Ang headquarters
ay ang pangalawang pinakamatarik na gusali na nasa kanan ng city hall.
Sa malayo, ang dalawang istruktura ay mukhang dalawang di magkasinglaking tore.
Sa loob ng gusali, ang mga pulis ay sumalubong sa akin ng mainit nilang mga
bati. Sa labas ng aking opisina na nasa pangalawang palapag, ibinaba ni Celia
ang kanyang hawak na telepono upang bumati sa akin ng “Welcome back sa inyong
bahay, Tsip.” Napangiti kami ni George, at binati siya ng magandang umaga. Bago
ako pumunta sa loob ng opisina, inutusan ko si Celia na tawagin ang opisina ng Mayor tungkol sa hacking na naganap sa Communications
Office.
Sa loob, hinayaan kong lamunin ako ng silya sa labis
na pagod. Ang autopsy report ng
bagong kaso ay nasa aking mesa. Binuksan
ko ito at binasa ang ilan nitong parte.
“Anong sabi?” tanong ni George habang nagtitimpla ng
kape.
“Madaming nakitang asukal sa lalamunan ng biktima.”
“Mukhang mayroon tayong serial killer. Wala pa bang nagtatanong kung merong nawawalang tao?”
“Sige itatanong ko kay Celia,” tinawagan ko siya.
“Celia, may nagreport na ba ng missing?”
Ngunit iba ang naging sagot niya.
“Tsip, si Mayor.
Nasa labas siya ng opisina mo. Gusto ka raw makausap.”
Sumabog ang pintuan at mula dito’y lumabas ang isang
matabang lalaking nakasuot ng tuxedo na kung saan ang butones ay nagpupumiglas
na makawala. Ang kanyang postura ngayon ay ibang-iba sa imaheng action star noong 20 taon mula sa kasalukuyan. Mayroon siyang tungkod
upang mapanatili ang kanyang tindig. Puno ng linya ang kanyang mukha; karamihan
ay nasa malapit sa kanyang labi dulot ng pagngiti nang matagal. Ito ang mukha
ng respeto at yaman: ang mukha ni John Dela Cruz.
“Mr. Mayor,
ano pong problema?” tanong ko.
“Tungkol ito sa aking anak na si Lucia,” malamlam ang
kanyang boses at nangingig, “Di pa siya umuuwi simula kagabi.”
“LDC,” bulong ni George.
Nagtagpo ang aming mga mata. Sinong tanga ang papatay
sa unico hija ng mayor?
Nangasim ang mukha ng mayor nang sinabi ko ang
tungkol sa katawang nakita namin sa Business
District.
“Sinasabi mo bang patay na ang anak ko? Na pinatay
siya sa aking siyudad?”
“Di na mamukhaan ang biktima pero isa itong
posibilidad. Mayroon siyang suot na kwintas na may nakasulat na ‘LDC’ sa pendant.” Pinakita ko ang litrato ng
gintong kwintas. “Sa kanya ba ito?”
Nang makita ng mayor ang litrato, labis na pighati
ang lumantad mula sa kanyang mukha. Hindi siya makapaniwala.
“Ito ang buong autopsy report, pero inaabisuhan
kitang wag tignan kung hindi ka handa. Masyadong brutal—” dinakma niya ang polder
mula sa aking mga kamay.
Unti-unting nawawala ang kulay sa mukha ng mayor kada palit ng pahina. Sa dami ng
kanyang nakita, di na kinaya ng mayor at tuluyan nang napaluha. Ito ang unang
pagkakatong makita ko ang isang taong mataas ang estado sa buhay na magpaulan
ng luha. Isa itong imahe ng taong mahina, ibang-iba sa imahe ng matatag na
mayor ng matatag na Senteno na alam ng publiko. Umiyak siya nang umiyak na
parang batang naagawan ng kendi.
***
Mabilis na kumalat ang balita sa bayan na parang
sunog sa isang gubat. Nang tanghali na, maraming mga reporter sa TV at dyaryo ang nagkumpulan sa tapat ng city hall
upang malaman kung paano nito maapektuhan ang darating na eleksyon. May mga
sabi-sabing si Adam Dela Peña, ang katunggali ni John sa pagka-mayor, ay kasabwat sa pagkamatay ni
Lucia. Ang mga Dela Peña ay ang pangalawang pinakamayamang pamilya sa Senteno,
nagmamay-ari ng kalahati ng plantasyon ng kape sa bansa. Tahimik lang ang mga
Dela Cruz buong araw sa isyung ito. Si Adam, na nais na depensahan ang kanyang
pangalan mula sa krimen, ay pinagpipilitang hindi niya ito kasalan, bagkus
isang kagagawan ni John upang makaligtas sa mga kaso ng korapsyong pinupukol sa
mga Dela Cruz.
“Wag nating kalimutan na ang mga Dela Cruz din ang
bumwenas sa isyung ito.” Sabi ni Adam sa isang interbyu. Maririnig ang singap nga
mga taong nanonood ng TV sa lobby ng headquarters.
“Sa tingin mo ito ay isa lamang plano ng mayor upang
makatakas siya sa mga kaso ng plunder?”
tanong ng interbyuwer.
“Malamang.” Lumakas ang reaksyon ng mga tao. “Pinatay
niya ang sarili niyang kapatid para mapunta sa pwesto niya ngayon. Ano sa
tingin mo ang pipigil sa kanya upang patayin ang sarili niyang anak?”
Dito na naghiyawan ang mga hindi kumbinsido sa
opinyon ni Adam. Naungusan ng mga sigaw ang pagsisikap ni Adam na ipagtanggol
ang kanyang sarili.
“Tsk tsk tsk.
Grabe talaga itong si Adam” sabi ni George habang pinapanood ang interbyu. “Sa
tingin niya papatayin ng isang ama ang kanyang sariling anak para sa lamang isang
pwesto.”
“Alam mo bang ang pagkamatay ng kanyang kapatid ang
unang kasong hinahawakan ko?”
“Hindi ko alam yun, Tsip.”
“Siya lang ang nag-iisang suspek sa krimen. Maraming
mga ebidensyang nakaturo sa kanya, kasama na ang isang hintuturong nakita sa
ilalim ng kanyang kama.”
Nakita ko sa mga mata ni George na hindi siya
makapaniwala sa kinekwento ko
“Anong nangyari pagkatapos?” Tanong niya.
“Sa tingin mo magiging mayor pa rin siya ngayon kung nakulong siya?”
“Ngayon ko lang narinig ang kwentong yan.”
“Dahil wala namang nagsasalita tungkol dito.”
Ibinaling niyang muli ang kanyang mata sa telebisyon.
“Tsip, ito na ang inyong press conference.”
Nakita ko ang aking sarili sa TV habang inuulan ng
mga tanong. Mga tanong tungkol sa suspek. Mga tanong tungkol sa pagkasangkot ng
mga Dela Peña sa pagkamatay. Kung paanong namatay ang lahat ng CCTV na
kinokontrol ng Communcations Office
nang nangyari ang krimen. Nakita ko ang aking sariling pinagpapawisan at
hinihimas ang bigote upang maitago ang aking kaba.
Isa lang ang sagot na aking nabigay sa lahat ng
tanong: “Wala pa kaming sapat na ebidensya upang makapagbigay ng impormasyon
tungkol sa suspek. Patawad.” Doon
natapos ang balita ukol sa pagkamatay ni Lucia. Biglang nag-cut ang TV sa isang political ad ng isang
kumakandidato bilang senador.
Nakaramdam ako ng pagkalabit sa aking balikat. Nang
tumingin ako sa likod ay nakita ko ang isang matandang babaeng umiiyak.
“Ano pong ginagawa niyo dito ma’am?” tanong ni George. “Kung may gusto kayong i-report pumunta lang kayo doon sa
lalaking nasa counter.”
“Hayaan mo siyang magsalita,” sabi ko.
“Tungkol ito sa a—aking apo...” hindi na niya matapos
ang kanyang sasabihin at tuluyan nang napahagulgol.
“Bakit di natin ito pag-usapan sa aking opisina.
George, maaari mo ba siyang tulungan?”
Ginabayan namin ang matanda papunta sa aking opisina.
Sinabihan ko si Celia na kumuwa ng kape para sa matanda. Hinayaan muna namin
siyang makapagpahinga at binigay ang kapeng tinimpla ni Celia. Nang matigil na
ang kanyang pag-iyak, itinuloy na niya ang kanyang kwento.
“Kagabi sumasakit ang aking tuhod dahil sa aking
rayuma. Pinagpipilitan niyang pumunta sa botika para bumili ng mefenamic acid upang mawala ang sakit,
pero pinipigilan ko siya. Sabi ko ay dalaga pa naman din siya at gabing-gabi
na. Hindi na siya nakauwi. Nag-aalala talaga ako at baka kung anong—” umiyak
siyang muli. Binigay niya ng litrato ng kanyang apo.
Niyakap ko siya. “Wag po kayong mag-alala ma’am. Gagawin namin ang lahat ng aming
makakaya upang mahanap natin siya.” Nakita ko ang pag-iling ni George.
Nagtama ang aming mga mata ng matanda; siya’y
napangiti at ito ang unang pagkakataong nakakita ako ng pag-asa sa kanyang mukha.
Matapos kong tanungin ang kanyang pangalan at contact number, umalis siya ng headquarters. Pinapanood ko siya
bintanang nasa aking opisina habang siya ay papalayo mula sa gusali. Nilamon
siya ng mga taong naghihintay ng balita sa harap ng city hall. Pababa na ang araw. Nahulog ang buong syudad sa
kadiliman.
“Alam mong hindi natin siya matutulungan,” sabi ni
George habang nagtatayp sa kanyang computer.
“Ano bang problema mo?!” sigaw ko kay George.
Masyadong napalakas ang aking boses. Tumigil ang kanyang pagtayp at biglang
yumuko.
“Sinabi mong ang dahilan kung bakit gusto mong maging
pulis ay upang mabawasan ang krimen, at maging mapayapa ang ating syudad.
Tungkulin natin ito sa lahat ng mamamayan ng Senteno: mayaman man o mahirap!”
Umalingawngaw ang aking mga sinabi sa opisina. Wala
nang nagsalita. Pagkatapos ng isang minuto’y tinuloy niya muli ang kanyang pagtayp.
Sa aking mesa ay nakalagay ang apat na autopsy
reports ng mga kasong noong nakaraang linggo pa nandito at nilangaw na. Umupo
ako’t binuksan ang isa.
Tama si George. Hindi namin kayang tulungan ang
matandang babae. Wala akong magagawa sa apat na kasong ito. Walang
kapangyarihan ang pulis na magbigay ng katarungan sa mga ordinaryong tao.
Nahihiya ako para sa aking sarili, ngunit ganoon na ang sistema. Kailangan
naming magpokus sa pagkamatay ng anak ng mayor.
Sinara ko ang autopsy report ng
lumang kaso at binuksan ang report
kay Lucia Dela Cruz.
Narinig ko ang tunog ng telepono. Kinuha ko ito bago
matapos ang unang kuliling.
“Tsip,” sabi ni Celia. “Tinatanong ng mayor kung ilang pulis ang ide-deploy sa plaza para sa burol ni Lucia
bukas.”
“Sa plaza? Di ata magandang ideyang gawing publiko
ang burol.”
“Ano pong sasabihin ko sa kanya?”
“Sige sabihin mong magde-deploy ako ng 25 pulis bukas.”
“Sige Tsip, sasabihin ko na ngayon din.”
Dinikit ko sa corkboard
katabi ng aking mesa ang litratong binigay ng matanda. Muli kong binasa ang autopsy report ni Lucia.
***
Mayroong libo-libong tao sa burol sa plaza. May
sabi-sabing dito iaanunsyo ng mayor ang kanyang magiging plano sa susunod na
eleksyon. Nakakalat ang mga pulis sa paligid at karamihan ay nasa entrance ng plaza. Nasa balkonahe ako ng
simabahang nakatapat sa stage kung
saan makikita mo ang lahat. May mga TV
reporters at camera malapit sa stage.
Sa gitna ng stage ay ang banga ng abo
ni Lucia na napapalibutan ng maraming bulaklak mula sa sumusuporta sa pamilya.
Tahimik ang iba na nagdadasal habang ang iba ay
umiiyak sa isang taong hindi nila kilala nang personal. Nabasag ang katahimikan
nang mangyari ang hinihintay ng lahat: ang pagdating ng mga Dela Cruz. Isang Lamborghini ang humati sa gitna ng
madla. Naghiyawan at nagpalakpakan ang lahat sa tuwa. May mga taong
nagpupumiglas na humaplos sa kotse ng mayor
na parang mapapagaling sila nito. Pumarada ang kotse malapit sa stage at lumabas ang mayor mula dito. Lalong lumakas ang
hiyawan. Umakyat ang mayor sa stage na kumakaway at ngumingiti sa mga
tao, ibang-iba sa mayor na nasaksihan
kong umiyak na parang bata kahapon. Hawak-hawak ang isang mikropono, umubo siya
upang linisin ang kanyang lalamunan na siyang nagpatigil sa hiyawan ng lahat.
“Naaalala ko pa noong bata pa ako at ang syudad na
ito ay napakahirap. Maraming krimen kaya hindi umuunlad, pugad ng mga mahihirap
at walang trabaho. Ngunit ngayon, maunlad na ang Senteno. Inilagay ng tatay ko
ang syudad na ito sa pedestal mula sa kawalan. Tinuloy ko ang mga programang
sinumulan ng tatay ko, at natuloy din ang pag-unlad ng syudad. Ipapasa ko sana
sa mga kamay ng anak kong si Lucia ang Senteno—” tumalikod siya at itinuro ang
banga. “—ngunit mayroong kumitil sa kanyang buhay. Mayroong mga taong gusto kaming
alisin sa syudad at tanggalin ang pag-unlad sa Senteno. Pero kahit na ganoon
man, hindi kami matitinag na serbisyuhan kayo. Narito ang aking anak na lalaki,
si Henry—” tinawag niya ang kanyang anak na humarap sa publiko “—upang ituloy ang serbisyong Dela
Cruz. Kakandidato siya bilang mayor sa darating na eleksyon.”
Magkahalong tuwa at pangamba ang reaksyon ng mga
manonood.
“Wag kayong mag-alala mga kababayan. Magpapatuloy pa
rin ang pagserbisyo ko sa mga tao. Kakandidato ako sa susunod na eleksyon sa
senado. Ipagpapatuloy ko ang serbisyong Dela Cruz sa buong bansa! Mabuhay ang
Senteno!”
Naging maligalig muli ang mga tao: nagtatatalon,
nagpapalakpakan, at naghihiyawan.
Sa kalagitnaan ng pagsasaya ng mga tao, isang malakas
na BANG ang umulanig sa hangin. Nahulog mula sa stage ang mayor. Nalunod
sa dugo ang mga bulaklak sa likod niya. Napalitan ang sigaw ng kasiyahan ng
hiyaw ng takot at pagkagulat. Nagtakbuhan ang lahat ng tao mula sa plaza.
Bumaba ako mula sa simbahan at tumakbo papuntang stage; sumuong sa daluyong ng
taong nais makalabas.
Habang nagkakagulo, nakita ko ang isang taong nakaputing
maskara na may hawak na shotgun: ang
bunganga nito’y umuusok pa. Tumakbo ako papunta sa kanya. Nagtama ang aming
paningin, ngunit hindi siya gumalaw. Sinuntok ko ang kanyang mukha at nahulog
ang kanyang maskara...
At nakita ko ang aking mukha.